MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Francis Pangilinan na hindi ligtas sa pananagutan ang mga menor de edad na nasasangkot sa krimen sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Ginawa ni Pangilinan, isa sa mga may-akda ng batas na nagtakda ng age of criminal liability sa 15 taong gulang, ang pahayag kasunod ng panibagong panawagan na amyendahan ang batas matapos ang madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na kinasangkutan ng dalawang menor de edad.
Ayon sa senador, may umiiral na proseso at intervention programs para sa mga batang nasasangkot sa krimen sa ilalim ng kasalukuyang batas.
“May pananagutan. May proseso. May mga intervention upang matiyak na hindi na ito mauulit. May pananagutan din ang mga magulang. May tungkulin naman ang pamahalaan—sa pamamagitan ng DSWD at iba pang ahensya—na magbigay ng suporta sa mga biktima, kanilang mga pamilya,” ani Pangilinan.
Binigyang-diin niya na labag sa batas ang basta pagpapalaya sa mga menor de edad na nasangkot sa krimen nang hindi dumaraan sa mga itinakdang intervention.
“Iligal ang pakawalan ang menor de edad na nasangkot sa krimen at may parusa sa mga gagawa nito,” dagdag niya.
Nanawagan din ang senador para sa maayos na pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act.
“Ang tunay na hamon ay hindi ang pagpapakalat ng takot at disinformation, kundi ang ganap na pagpapatupad ng batas at pagtiyak na may hustisya, accountability, at proteksyon para sa lahat ng bata,” aniya. RNT