MANILA, Philippines- Iniulat ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) nitong Biyernes ang pagkakaaresto sa 10 indibidwal sa dalawang magkahiwalay na operasyon dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng iba’t ibang communication devices.
Nadakip ang dalawang indibidwal sa pagbebenta ng SIM card modem pool o GSM modem pool devices sa isang entrapment operation nitong Huwebes ng gabi, base kay PNP-ACG director BGen. Bernard Yang.
Ina-advertise ng lalaki at babaeng mga suspek na kapwa Pilipino, ang ibinebentang mga device sa social media.
Isa sa kanila ay dating electrician na nagtrabaho sa isang Philippine offshore gaming operator (POGO) firm, dagdag ni Yang.
“Ito binibili rin nila, that’s why ito ay mga store online, mga reseller lang din ito eh,” pahayag ni Yang sa panayam sa Camp Crame, Quezon City.
Nasamsam ng PNP-ACG mula sa mga suspek ang dalawang piraso ng 16 Port SIM Modem Pool, dalawang piraso ng 32 Port SIM Modem Pool, 40 antennas, at apat na power supply machines.
Katulad ang SIM Modem Pool o GSM Modem Pool ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher.
Base sa PNP-ACG, maaaring magamit ang GSM Modem Pool sa scams, tulad ng mass SMS phishing, fake call centers of vishing, one-time pin or OTP interception at account takeover, at money laundering at fraud.
“So ano yung gamit na SIM Modem Pool? Ito ay pagka napasakamay ng mga scammer ay pwede siyang magamit to text blast at magpadala ng iba-ibang link para yung mga unsuspecting na mga kababayan natin ay pwedeng makapag-click doon sa link at makapagbigay ng details, information relating to their identity, pwede rin yung bank accounts nila. So, ganun kadelikado itong machines na naseize natin kagabi,” ani Yang.
“Pwede siyang pang-text blast at magagamit siya doon. Remember, merong isang machine dito, 16 ang pwedeng ilagay na SIM card, yung isa naman ay 32 SIM cards, so pang text blast talaga,” dagdag niya.
Sa hiwalay na entrapment operation na isinagawa sa Pasig City, nadakip ng PNP-ACG ang walong indibidwal sa pagbebenta ng signal jammers. Lahat ng mga suspek ay mga Pilipino.
Nasamsam ng mga pulis ang limang signal jamming devices, na ibinebenta ng mga suspek sa halagang P15,000 hanggang P52,000 kada piraso.
“Walo yung suspects dito na nahuli natin at ito yung mga nagbebenta nitong signal jammers online,” paglalahad ni Yang.
“Nasa social media platforms natin ito at na-engage at nagkaroon ng bayaran last night sa Pasig area… So, anybody na naghahanap online nitong mga gamit na ito ay pwedeng makabili. Alam naman natin na ipinagbabawal ito.”
“Kung meron rin gustong magdisrupt ng signal sa isang event, magagamit din ito at mawawalan ng signal doon sa isang area kung saan ito ay idedeploy,” ayon pa sa opisyal.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act at sa Radio Control Law of the Philippines. RNT/SA