Home METRO 10 lalaki dinukot ng puting van sa Bulacan; 2 arestado

10 lalaki dinukot ng puting van sa Bulacan; 2 arestado

Bulacan — Arestado sa nakalatag na checkpoint ng pulisya ang dalawang indibidwal na lulan ng puting van na umanoy dumukot ng 10 lalaking matatapang sa bayan ng San Ildefonso nitong Mayo 22.

Sa ulat kay PCOL Franklin Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan Police, nadiskubre ang insidente sa isang gamefarm bandang 5:30 ng umaga sa Brgy. Umpucan.

Ayon sa report ng San Ildefonso Police Station, nakatanggap sila ng reklamo mula sa may-ari ng gamefarm na nagising sa sobrang ingay ng tahol ng mga aso at nakitang may kahina-hinalang puting van na paikot-ikot sa lugar.

Dahil dito, agad na rumesponde ang mga pulis at inalerto ang field personnel at ang 24/7 checkpoint team kaya bandang 7:50 ng umaga ay naharang nila ang puting van sa Brgy. Maasim, na tugma sa deskripsyon.

Sa tanaw na inspeksyon sa van, tumambad ang 10 lalaking panabong na manok na nakalagay sa Mexican box, na tugma sa sumbong ng may-ari ng farm kaya inaresto ang mga suspek na sina alyas “San” at “Pedro” at nakumpiskahan din umano ng granada, caliber .38, at mga bala.

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya.

Kaugnay nito, pinuri ni Estoro ang mabilis na aksyon ng nabanggit na istasyon ng pulisya bilang patunay ng patuloy na pagtupad sa tungkulin para mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigang ito. (Dick Mirasol III)