MANILA, Philippines- Nasagip ng mga pulis ang 10 biktima, kabilang ang dalawang menor-de-edad, mula sa dalawang umano’y online prostitution dens sa lalawigan ng Quezon.
Sinabi ni Philippine National Police Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) chief Maj. Gen. Ronnie Francis Cariaga nitong Martes na isinagawa ang mga operasyon noong Oktubre 12, matapos makakuha ang mga operatiba ng Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) 4-A (Calabarzon) ng dalawang warrants to search, seize, and examine computer data, mula sa Calamba City, Laguna Regional Trial Court.
Unang sinalakay ng ACG operatives ang isang bahay sa Tayabas City, kung saan nadakip nila ang limang suspek at apat na biktima – dalawang lalaking nasa hustong gulang at dalawang menor-de-edad na babae.
Kasunod nito ay nagsagawa naman ng operasyon sa isa pang bahay na pinangangasiwaan ng mga suspek sa Lucena City, kung saan anim pang biktima ang nasagip – tatlong lalaking nasa hustong gulang at tatlong menor-de-edad na kalalakihan.
Nag-ugat ang mga nasabing operasyon sa impormasyong nangangasiwa umano ang mga suspek ng online prostitution dens sa dalawang bahay. Kalaunan ay kinumpirma ito ng RACU 4-A sa pamamagitan ng cyber patrolling, surveillance, at online investigations.
Ayon kay Cariaga, batay sa ebidensyang nakalap sa operasyon, mga dayuhan ang customer ng prostitution dens.
Anang opisyal, idinisenyo umano ang website system na ginamit ng mga suspek upang awtomatikong pigilan ang log-in attempts mula sa Philippine credit cards.
Sinabi ng opisyal na nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Section 4 (a and e) at Section 6 (a) (c) (o) ng Republic Act (RA) 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), as amended by RA 10364 and further amended by RA 11862, in relation to Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012). RNT/SA