
QUEZON CITY- Pormal na naglunsad ang Philippine National Police Internal Affairs Service (IAS) ng administrative investigation sa insidente noong Pebrero na kinasangkutan ng mga pulis na inakusahang idinitine ang ilang indibdiwal at nangikil ng milyong halaga.
“Ang ginawa po ng director ng CIDG is really to restrict this people, pinaimbestigahan po natin, we have enough [pieces of] evidence to remove these people, sabi ko nga zero tolerance e, hindi sila nakikinig, doon ako nagagalit… sabi ko doon lang tayo sa tama, once you destroy our organization, you’re out,” giit ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco.
Naganap ang umano’y krimen noong Pebrero 17, nang salakayin umano ng mga pulis ang isang warehouse na pagmamay-ari ng isang Chinese national sa Tondo dahil sa hinihinalang paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa operasyon, naaresto ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang babaeng Chinese.
“Nakakalungkot na makarinig ng mga ganitong pangyayari pa rin na may mga tao pa rin tayo nasasangkot sa mga ganitong gawain. But we have to do what we have to do, I have to comply and support the Chief PNP and the Philippine National Police sa ating programa sa pag cleanse ng PNP,” pahayag ni CIDG chief Major Gen. Nicolas Torre III.
Base kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, humingi umano ang mga suspek ng P18 milyon mula sa mga biktima, na nakapagbigay lamang ng mahigit P17 milyon.
“Yung isang babaeng Chinese dito ay ginamit nilang negotiator at base sa alegasyon dito ay mukhang pinakawalan matapos bayaran yung hinihinging 18 milyong piso,” pagbabahagi ni Dulay.
Kasalukuyang nahaharap ang mga pulis sa patong-patong na reklamong kidnapping, serious illegal detention, unlawful arrest, at posibleng evidence planting. Binubusisi rin ang administrative charges tulad ng grave misconduct.
Kabilang sa mga akusadong pulis ang mga sumusunod:
1 Police Lieutenant Colonel
1 Police Major
1 Police Chief Master Sergeant
2 Police Master Sergeants
1 Police Staff Sergeant
1 Police Corporal
3 Patrolmen