Home NATIONWIDE 10 patay sa ballistic strike ng Russia sa Ukraine

10 patay sa ballistic strike ng Russia sa Ukraine

1
0

UKRAINE – Hindi bababa sa 10 katao ang nasawi habang halos 100 iba pa ang nasugatan matapos tamaan ng ballistic missile ng Russia ang isang lugar malapit sa Kyiv, Ukraine na pinagdarausan ng isang defense industry event, ayon sa mga opisyal ng pamahalaan at industriya.

Ayon kay acting regional military administration head Ruslan Oliinyk, tumama ang missile sa isang pribadong military training site sa Bucha district, humigit-kumulang 20 hanggang 30 kilometro mula sa sentro ng Kyiv.

Bukod sa mga nasawi at sugatan, napinsala rin ang 27 bahay at 44 na sasakyan sa lugar.

Sinabi ng Ukrainian Defense Industry Council na kabilang sa mga dumalo sa naturang aktibidad ang mga kinatawan ng pribadong defense manufacturers, ngunit hindi pa nagbigay ng karagdagang detalye ang grupo.

Kasunod nito, iniutos ni Ukrainian Prosecutor General Ruslan Kravchenko ang pagsasagawa ng war crimes investigation kaugnay ng pag-atake, gayundin ng hiwalay na imbestigasyon upang alamin kung may kapabayaan sa pagpili ng lugar, oras at paraan ng pagsasagawa ng naturang aktibidad.

Nagpatupad din ang pamahalaan ng Ukraine ng mga limitasyon sa pag-uulat hinggil sa insidente.

Naganap ang pag-atake isang araw matapos makipagpulong ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy sa mga opisyal ng Raytheon, ang kumpanyang gumagawa ng Patriot air defense system na ginagamit ng Ukraine laban sa mga ballistic missile ng Russia.

Nauna nang sinabi ni Zelenskyy na pangunahing prayoridad ng kanilang bansa ang pagkakaroon ng mas maraming missile para sa Patriot system at isinusulong din ang posibleng joint production ng Patriot interceptors sa pagitan ng Ukraine at Raytheon.

Samantala, sinabi ng isang regional governor ng Russia na anim na katao ang nasawi at 26 ang nasugatan matapos umatake ang Ukraine sa isang military plant sa Russia.

Patuloy ang palitan ng mga pag-atake sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here