Home NATIONWIDE Delivery rider nahulihan ng P1M shabu

Delivery rider nahulihan ng P1M shabu

1
0

MANILA, Philippines – Inaresto ang isang delivery rider sa drug buy-bust operation sa Barangay Lower Bicutan, Taguig City noong Hulyo 22, 2026.

Kinilala ng mga awtoridad ang lalaki na siyang drug supplier sa mga indibidwal na naunang nahuli sa ibang mga operasyon.

Nakumpiska ng pulisya ang 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon, at isang kalibre 45 na armas.

“Itong suspek, lumalabas sa aming investigation na isa siya sa mga source diyan sa Taguig pero ang item, ang shabu, within SPD (Southern Police District)-wide, ibig sabihin kung saan-saan nakakarating yung kanilang… paninda,” sinabi ni SPD-Drug Enforcement Unit Officer in Charge P/Maj. Cecilio Tomas Jr.

Pinag-aralan ng pulisya ang target ng mahigit dalawang linggo bago ipain ang P50,000 halaga ng boodle money.

Sa operasyon ay sinubukan pa ng suspek na tumakas.

“Pinipilit niyang kunin ‘yung baril niya pero siyempre… bago namin siya hulihin, pinag-aralan namin kung papaano siya… makukuha nang walang nangyayaring hindi maganda,” ani Tomas.

Posibleng nagtutulak ng iligal na droga ang suspek kasabay ng trabaho nito bilang delivery rider.

“Kasi may mga transaksyon siya na bank transaction… sa kaniya ‘yung bayad, at saka niya i-de-deliver. Sa tingin namin, talagang drugs ang kanyang hanapbuhay,” sinabi pa ni Tomas.

Isinailalim sa ballistic examination ang nakuhang armas upang matukoy kung ito ay nagamit na.

Nasa custodial facility ng Taguig City Police ang suspek at nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here