SYRIA – Pansamantalang tumutuloy sa Philippine Embassy sa Damascus nitong Lunes, Disyembre 9 ang 10 Filipino na lumikas dahil sa ulat na pagbagsak ng rehime ni Pangulong Bashar al-Assad.
“May mga sampu na nakisilong dito sa Embahada dahil na rin sa medyo kaguluhan kahapon, naging balisa sila kaya sila’y humingi ng tulong sa amin para manirahan pansamantala dito sa Embahada. At sila naman po ay kinupkop namin dito,” pahayag ni Chargé d’Affaires John Reyes sa panayam sa telebisyon.
Ayon kay Reyes, nasa kabuuang 703 Filipino ang nasa Syria, karamihan sa mga ito ang nagtatrabaho sa Damascus habang ang iba ay may asawang Syrian.
Nasa maayos na kondisyon ang lahat ng mga Filipino at wala pa ang nagpahayag ng pagnanais na mailikas.
“Sila naman ay ligtas at nasa mabuting kalagayan,” ani Reyes.
“May panaka-naka nalang [ang kaguluhan] pero kumpara sa nangyari kahapon, parang humupa na ang pangkalahatang sitwasyon,” dagdag pa niya.
Inabisuhan ng Department of Foreign Affairs nitong Linggo, Disyembre 8 ang mga Filipino sa Syria na manatiling nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Damascus kasabay ng nagpapatuloy na kaguluhan doon. RNT/JGC