Home NATIONWIDE Unified 911 emergency system target ng DILG

Unified 911 emergency system target ng DILG

MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes, Disyembre 9 ang plano nitong magtatag ng “national unified 911 emergency system” sa susunod na tatlong taon.

Ipinaliwanag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ang proposed unified 911 emergency system ay magiging “language-sensitive” na tutugon sa iba’t ibang mga lenggwahe sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

“Wherever you come from, ang sasagot sa inyo is either your local language, English, or Tagalog. That’s number one, so we will have 10 call centers all around the country na direct ang communication niyo for our emergency response, hindi na ‘yung iba iba,” ani Remulla sa isang speech kasabay ng 2024 Seal of Good Local Governance National Awarding sa Manila Hotel.

Idinagdag niya na upang masiguro ang seamless user experience para sa unified 911 system, pagsisikapan ng ahensya na mapalakas ang emergency response capabilities ng lahat ng local government units sa bansa.

“Bibili tayo ng 10,000 na ambulances, police cars, and fire trucks, at sisiguraduhin natin na lahat ng local government units may capacity to respond sa lahat ng emergencies. Hindi pwedeng tawag lang tapos walang nangyayari,” sinabi ni Remulla.

Kasalukuyang ginagamit ng DILG ang “modernized 911 emergency system” na inilunsad noong Agosto.

Layon ng sistemang ito na makapagbigay ng tatlong minutong response time sa mga emergency. RNT/JGC