Home NATIONWIDE 100% drug-free communities target ng PNP chief

100% drug-free communities target ng PNP chief

MANILA, Philippines – Sinabi ni Philippine National Police Chief Police General Rommel Francisco Marbil nitong Martes, Mayo 7, na dodoblehin ng PNP ang pagsisikap nitong maabot ang 100% drug-free communities sa buong bansa.

Sa ambush interview, sinabi ni Marbil na ayaw niyang ituloy ang “war on drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil naniniwala siyang walang “clear-cut solution” sa pagkalat ng illegal na droga.

“Kapag sinasabi mong giyera, merong katapusan eh. Ito, walang katapusan ito. Dapat every time, responsive ang pulis natin doon sa drugs. Negosyo ng mga iligalista ‘to eh,” sinabi ng PNP chief.

“Ang parameter namin kung successful kami is kung meron pang drugs sa ibaba. Ang gusto po natin is not ‘yung sinasabing war on drugs, but 100% drug-free community,” dagdag niya.

Ani Marbil, kailangang pagbutihin ng pulisya ang pamamaraan nito at kailangang maging innovative pagdating sa panghuhuli ng mga sindikato.

Noong nakaraang buwan, nasamsam ng mga awtoridad ang nasa dalawang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P13.3 bilyon sa Alitagtag, Batangas.

Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-inspeksyon nito at binalaan ang mga drug syndicate na parurusahan ang mga ito ng pamahalaan.

Samantala, iginiit ng Pangulo na walang nasawi sa operasyon ng pagkakasamsam ng shabu sa kanyang administrasyon.

“I would like also to point out, that this is the biggest shipment of shabu na nahuli natin, but not one person died. Walang namatay. Walang nagputukan, walang nasaktan,” sinabi ni Marcos.

“We want to uncover sino nagpapadala ng drugs dito. That’s a very huge loss sa mga criminals,” ayon naman kay Marbil. RNT/JGC