MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang raffle ng 100 housing units para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng in-city vertical housing program ng lungsod noong Miyerkules, Marso 18, na kanyang inilarawan bilang isa sa pinakamakabuluhang sandali sa kanyang serbisyo publiko.
Isinagawa ang draw of lots kasama si Vice Mayor Angela Lei “Chi” Atienza, kung saan 100 benepisyaryo ang napili mula sa 1,554 na beripikadong aplikante para sa mga yunit na matatagpuan sa San Lazaro, Pedro Gil, at San Sebastian Residences.
“Masaya ako. Wholeheartedly masaya ako. Pangarap ko ito sa inyo, bagay na hindi ko nakamit noong bata ako. Mahirap maging iskwater,” ani Domagoso matapos ang raffle.
Ibinahagi ng alkalde na ang programa ay bunga ng kanyang matagal nang adbokasiya na nagsimula pa noong siya ay konsehal at bise alkalde, kung saan itinulak niya ang mga polisiya sa ilalim ng “Land for the Landless” program.
Ayon sa kanya, nais niyang mabigyan ng seguridad sa tirahan ang mga pamilya—isang bagay na kanyang naranasan na wala noong kabataan.
Sa ilalim ng programa, ang mga benepisyaryo ay makakatira sa 42-square-meter units na may dalawang kuwarto, at may access sa mga pasilidad tulad ng health centers, function rooms, at security services.
Ang buwanang amortization ay nasa pagitan ng ₱2,000 hanggang ₱3,000, na mas mababa kumpara sa karaniwang upa sa lungsod.
Nanatiling pag-aari ng pamahalaang lungsod ang mga housing unit upang maiwasan ang bentahan o pang-aabuso, ngunit tiniyak ng alkalde na protektado ang mga benepisyaryo sa ilalim ng mga umiiral na ordinansa, kabilang ang karapatan sa pagmamana ng pamilya.
Dagdag pa niya, maaaring maibalik ang mga ibinayad ng mga residente sakaling magpasya silang lumipat sa hinaharap.
Layunin din ng lungsod na ipagpatuloy at palawakin ang programa sa pamamagitan ng reinvestment ng mga koleksyon, habang may mga susunod pang proyekto na nakahanay.
“We want our people living comfortably, safe. Ibinabalik natin ang dignidad ng bawat pamilya. Hindi tayo titigil hangga’t kaya natin,” ani Domagoso.
Ang mga aplikasyon ay sinuri at beripikado ng Manila Urban Settlements Office (MUSO), at isinagawa ang raffle sa pamamagitan ng live streaming sa Facebook upang matiyak ang transparency at pantay na oportunidad sa lahat ng aplikante. JAY Reyes