Home METRO Palugit ni Yorme Isko vs gunman sa retiradong Manila police, expired na!...

Palugit ni Yorme Isko vs gunman sa retiradong Manila police, expired na! Manhunt pinaigting

206
0

MANILA, Philippines – Nagpahatid ng matinding babala si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso laban sa umano’y gunman sa pagpaslang sa retiradong pulis na si George Capistrano, kasabay ng pinaigting na manhunt ng mga awtoridad.

Sa isang panayam sa telebisyon, diretsahang nagbigay ng mensahe ang alkalde sa pangunahing suspek na si Albert Magdaraog, na una nang binigyan ng 48 oras na ultimatum upang sumuko.

Kinilala si Magdaraog batay sa impormasyong ibinigay ng driver-suspect na si Liegem Bulalacao Young, alyas “Biboy,” na kusang sumuko sa mga awtoridad matapos ang insidente.

Ayon kay Yorme Isko, sumuko si Young sa loob ng 24 oras at nagbigay ng mahahalagang detalye na tumulong sa pagkakakilanlan ng kanyang umano’y kasabwat.

Nilinaw ng alkalde na hindi pulitikal ang motibo ng krimen, kundi isang karaniwang gawa ng riding-in-tandem robbery group na umano’y nag-o-operate sa Metro Manila.

Batay sa paunang imbestigasyon, nilapitan muna ang biktima at kinuha ang kanyang mga gamit bago ito barilin, na nagpapakitang pagnanakaw ang pangunahing motibo.

Dagdag pa ni Domagoso, lumalabas sa impormasyon ng sumukong suspek na tinuturing ng ilang grupo ang Metro Manila bilang target ng kanilang kriminal na aktibidad.

Si Capistrano, na kabilang sa security detail ng alkalde, ay inilarawang iginagalang at minamahal sa hanay ng Manila Police District. Nag-ambagan din umano ang mga pulis upang makalikom ng ₱500,000 pabuya para sa ikahuhuli ng suspek.

Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad sa paghahanap sa gunman. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here