MANILA, Philippines- Sa selebrasyon ng Fiesta Del Sto. Niño sa Pasay ay naging matagumpay ang pagsasagawa ng taunang Grand Procession nito kung saan umabot sa 100 iba’t ibang imahe ang lumahok nitong Linggo, Enero 26.
Tinatayang umabot din sa 30,000 hanggang 40,000 indibidwal ang nakibahagi sa naturang okasyon na siyang nagpakita ng pananampalataya at debosyon sa taunang Fiesta Del Sto. Niño.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang mga kalsada ay nagmistulang bahaghari dahil sa makukulay na palamuti ng mga karosa na sinabayan pa ng dumadagundong na pagpapatugtog ng mga grupo ng nagtatambol at pagsasayaw ng mga naka-costume na mananayaw.
Ayon kay Calixto-Rubiano, ang parada ng iba’t ibang imahe ng Sto. Niño na lumahok sa isinagawang Grand Procession ay nagsimula sa tapat ng Pasay City Hall hanggang sa makarating at nagtapos sa Philippine International Convention Center (PICC) sa open grounds ng Star City.
Dagdag pa ni Calixto-Rubiano, ang prusisyon ng Sto. Niño ay hindi lamang dinaluhan ng mga deboto sa iba’t ibang munisipalidad, lungsod at parokya sa buong Metro Manila kundi ang ilan sa mga ito ay nanggaling pa sa probinsya na inadornohan ng mga bulaklak na nagpapakita ng kanilang debosyon at kakaibang tradisyon ng kani-kanilang mga komunidad.
Kasabay nito ay nagpasalamat naman si Calixto-Rubiano sa namamahala ng mga Sto. Niño na nakilahok at nakibahagi sa naturang parada at inimbitahan ang mga ito na muling lumahok sa pagsasagawa ng parada sa susunod na taon. James I. Catapusan