Home NATIONWIDE 100 OFWs mula Kuwait, balik-Pinas sa visa amnesty program

100 OFWs mula Kuwait, balik-Pinas sa visa amnesty program

MANILA, Philippines – Dumating na sa Pilipinas ang nasa 100 overseas Filipino workers (OFWs) mula Kuwait matapos na gamitin nito ang visa amnesty program ng pamahalaan ng naturang bansa, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Dumating ang mga OFW sakay ng mga flight na GF154 at GF156.

Sa ilalim ng visa amnesty program, bibigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy na may expired visa na gawing regular ang kanilang pamamalagi sa Kuwait o kaya naman ay umuwi ng Pilipinas na walang babayarang multa.

“Maraming OFWs ang nakinabang sa pagkakataong ito upang makabalik sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas nang walang karagdagang gastusin o abala,” saad sa pahayag ng OWWA.

Sinabi ng OWWA na nakikipag-ugnayan na ito sa Philippine Embassy sa Kuwait at Migrant Workers Office upang tulungan ang repatriation ng mga apektadong OFW.

Nauna nang pinuri ng Pilipinas ang programa at tinawag na “commendable step” sa pagresolba sa mga isyu na kinakaharap ng mga Pinoy sa Kuwait kung saan ang kanilang mga visa ay napaso na.

Tatakbo ang programa mula Marso 17 hanggang Hunyo 17, 2024. RNT/JGC