MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Office for Transportation Security (OTS) na may karagdagan silang 100 screening officers na ipakakalat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunsod na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Holiday season.
Nabatid na nitong Nobyembre 30 ay mayroong 2,178 screening officers sa buong bansa, kung saan 1,032 sa kanila ang namamahala sa pangunahing gateway ng bansa.
Sinabi ni OTS Administrator Crizaldo Nieves na ang karagdagang 100 screeners ay nakatakdang sumailalim sa basic aviation security training upang agad silang mai-deploy sa oras para sa inaasahang pagdagsa.
Aniya, daragdagan nila ang tauhan sa mga security checkpoint ng apat na terminal ng NAIA.
Nabatid na bukod sa karagdagang mga tauhan, ang mga auditor sa civil aviation ay ipakakalat 24/7 upang suriin ang sapat na pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad sa mga paliparan.
Bukod dito, ang OTS Transport Security Operations Center ay isaaaktibo 24/7 para sa pagsubaybay at pag-uulat ng anumang hindi kanais-nais na insidente.
Napag-alaman din na patuloy ang pagsasagawa ng OTS ng preventive maintenance ng security screening equipment upang mabawasan ang pagkasira sa panahon ng holiday influx. JR Reyes