Home NATIONWIDE 1,000 volunteers ipakakalat ng Red Cross sa Traslacion

1,000 volunteers ipakakalat ng Red Cross sa Traslacion

Dinagsa ng mga deboto ang unang Biyernes ng 2024 sa Quiapo Church para sa First Friday Mass nito. Kasabay nito, pinangunahan ni Manila Police District Director, Police Col. Arnold Tomas Ibay ang pagpapapila sa mga deboto na dadalo sa misa.

MANILA, Philippines – Magpapakalat ang Philippine Red Cross (PRC) ng mahigit 1,000 volunteers nito at multiple emergency services vehicles upang magbigay ng medical assistance sa mga lalahok sa prusisyon ng Black Nazarene sa Enero 9 sa Maynila.

Kabilang sa mga idedepliy ang first aiders, emergency response unit personnel ay emergency medical team .

Maglalagay din ng humigit-kumulang 10 PRC first aid stations sa kahabaan ng ruta ng Traslacion mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo church.Anim na team ng foot patrollers na magsisilbi ring mobile first aiders.

Bukod dito, maglalagay din ng emergency field hospital malapit sa Kartilya ng Katipunan shrine na magpapalakaa sa kapasidad ng onsite healthcare na ibibigay ng Department of Health (DOH) at Manila Disaster and Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Maglalagay din ang PRC ng 17 ambulansya, isang fire truck, dalawang rescue boat, at isang amphibious vehicle sa mga strategic area sa Maynila simula Linggo, o dalawang araw bago ang prusisyon.

Sinabi ni PRC Secretary General Gwendolyn Pang na 20 karagdagang ambulansya ang darating mula Central Luzon at CALABARZON para sa standby medical services.

Inaasahang higit sa dalawang milyong deboto ang makikiisa sa tradisyunal naTraslacion makalipas ng tatlong taon dahil sa Covid-19 pandemic.

Samantala, inilagay na ng Department of Health (DOH) sa code white alert ang lahat ng ospital sa Metro Manila simula nitong Enero 5 Hanggang Enero 11.

Sa ilalim ng code white alert, naka-standby ang mga natukoy na medical personnel at staff para sa agarang pagtanggap at paggamot sa mga papasok na pasyente sa mga ospital.

Karaniwang idineklara ng DOH ang code white alert sa panahon ng mga pambansang kaganapan, pista opisyal, o selebrasyon “na maaaring magdulot ng mass casualty incidents o emergency.”

Sinabi ng departamento na walong health emergency response team, bawat isa ay nilagyan ng mga ambulansya, ang ipapakalat sa ruta ng Traslacion upang magbigay ng mga serbisyong pang-emerhensiyang medikal sa mga deboto.

Kaugnay ng nasabing aktibidad, sinabi ng pulisya na walang nakikitang banta sa seguridad. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)