Home METRO 105-anyos na lola dedo sa hit-and-run

105-anyos na lola dedo sa hit-and-run

OCCIDENTAL MINDORO — Nakahandusay at wala nang buhay nang matagpuan sa gitna ng kalsada ang isang 105-anyos na lola matapos umano itong mabiktima ng hit-and-run ng hindi pa natutukoy na sasakyan, iniulat kahapon sa bayan ng Abra de Ilog.

Kinilala ang biktima na si Lola Rosalina “Apong” Corpuz Dela Rosa, residente ng Barangay Tibag ng nasabing bayan.

Batay sa ulat, naganap ang insidente pasado alas-12 ng hatinggabi noong Hunyo 13 sa naturang lugar.

Ayon sa kaanak ng biktima, nakarinig sila ng malakas na kalabog sa labas ng kanilang bahay at inakalang may banggaang naganap sa mga aso.

Paglabas nila, tumambad na lamang sa kanila ang biktima na naliligo sa sarili nitong dugo at wala nang buhay.

Sinabi ng pamilya na kakaselebra lamang ni Apong ng kanyang kaarawan noong Hunyo 11.

Nanawagan ang pamilya ng biktima sa lokal na pamahalaan. Hindi pa rin natutukoy ang uri ng sasakyang nakasagasa dahil sa dilim at kawalan ng mga street light sa lugar.

Nananawagan sila ng hustisya, gayundin sa lokal na pamahalaan na agarang maglagay ng mga street light sa kalsada upang maiwasan ang kaparehong insidente. Mary Anne Sapico