MANILA, Philippines – Nakatanggap ng ayuda ang lahat ng nasunugang residente ng Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City mula sa grupong Lingkod Lapid kamakailan.
Ang pagbibigay ng relief goods ay pinangunahan ng anak ni Sen. Lito Lapid na si Mark Lapid na siya ring chief operating officer (COO) ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA.
Mayroong 105 pamilya ng Block 34 ng Barangay Addition Hills ang nakatanggap ng ayuda na kinabibilangan ng bigas, de lata, kape, kumot, kulambo, pares ng tsinelas, hygiene kit at bottled water.
Naisakatuparan ang pagbibigay ng ayuda sa mga nasunugan nitong nakaraang buwan sa pakikipagtulungan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Matatandaan na ilang beses nang nagpadala ng tulong ang Lingkod Lapid at PAGCOR sa mga residente ng Barangay Addition Hills na biktima din ng sunog.
“Kahit papaano po, lahat po ng kaya naming ma-extend, mahingan ng tulong para po sa mga kababayan natin na nakakaranas po ng sakuna o trahedya, sa abot po ng aming makakaya, tutulong po kami,” ayon kay COO Lapid. Ernie Reyes