MANILA, Philippines – AABOT sa 107,470 tilapia fingerlings ang ipinamahagi sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Barangays Mangayawan at Iquin, na magsisilbing agarang mapagkukunan ng pagkain at dagdag kita.
Ayon sa DAR ang mga fingerlings ay mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), katuwang ang Department of Agrarian Reform (DAR), Camarines Sur II, at inilagay sa mga palaisdaan na matatagpuan sa lupang ipinagkaloob sa mga ARB.
Inaasahang aabot sa tamang laki ang mga isda sa loob ng apat na buwan, na maaari nang anihin para sa konsumo ng pamilya o para sa pagbebenta.
Sinabi ng DAR na napapanahon ang tulong na ito lalo na’t patuloy na nararamdaman ng mga magsasaka at mangingisda ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, na nagpapataas din ng gastos sa transportasyon, produksyon, at pagkain.
Sa pamamagitan ng ganitong suporta, nababawasan ang pinansyal na pasanin ng mga pamilya habang napapalakas ang lokal na suplay ng pagkain.
Noong 2023, nakatanggap din ang parehong grupo ng 27,140 fingerlings na nakatulong sa kanilang pagkain at kita. Gayunpaman, ilang palaisdaan ang nasira dahil sa mga bagyong nakaapekto sa kanilang produksyon.
Ngayong taon, muling pinalalakas ang suporta sa mga ARB na may kabuuang lawak ng palaisdaan na 37,829 metro kuwadrado.
Ipinatutupad din ang mga kahalintulad na programa sa iba pang bayan sa Camarines Sur upang mapanatili ang produksyon at mapabuti ang kabuhayan sa kabila ng mga hamong pang-ekonomiya at pangkalikasan.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa direktiba ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III na palakasin ang kabuhayan ng mga magsasaka at tiyakin ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na suporta. Santi Celario