Home NATIONWIDE 109 aspirante naghain ng COC sa BARMM elections

109 aspirante naghain ng COC sa BARMM elections

MANILA, Philippines – Aabot sa 109 aspirants ang naghain ng kanilang mga certificate of candidacy (COCs) para sa unang halalan sa Bangsamoro noong Mayo 2025, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na may kabuuang 109 aspirants at humigit-kumulang anim na regional political parties ang naghain ng kanilang COCs.

“Halos apat ang kandidato sa bawat upuan. Kung i-a-average natin, hindi na po maliit yun na bilang. And therefore, nakakatuwa. Ibig sabihin madami ang nag interest na tumakbo dito sa Bangsamoro elections, kauna-unahan,” ani Garcia.

Ang panahon para sa paghahain ng COC ay mula Nobyembre 4 hanggang Nobyembre 9.

Hindi bababa sa 73 elective positions ang nakahanda sa parliamentary elections, kung saan 40 ay para sa rehiyonal na partidong pampulitika, 25 para sa parliamentary district, at walo para sa sektoral na organisasyon.

Kasunod ng filing, sinabi ni Garcia na tatanggap sila ng mga petisyon para ideklara ang ilang aspirants bilang nuisance candidate o mga petisyon para kanselahin ang kanilang kandidatura.

Ayon kay Garcia, wala ring nangyaring hindi kanais-nais na insidente sa paghahain.

“Wala na kahit anong kaguluhan o iregularidad ang nangyari doon sa filing natin. So ayan ay nagpapakita ng onti-onti nating pagiging mature bilang bansa,” aniya pa. RNT