ILOILO CITY – Matagal nang away ang sinisilip na motibo sa pagpatay sa isang dating barangay captain sa bayan ng Tigbauan, Iloilo province, sabi ng pulisya.
Nagsampa ng kasong murder ang Municipal Police Station laban kay John Castro Jr. na umamin sa pagpatay kay dating barangay captain Joevanie Triste ng Barangay San Rafael noong Oktubre 24.
“Batay sa imbestigasyon na isinagawa, ang motibo ng suspek sa pagpatay sa biktima ay matagal nang sama ng loob at ito ay napaka-personal,” sabi ni Police Staff Sgt. Glenn Mark Abayon, imbestigador ng Tigbauan MPS, sa ulat na isinumite sa Iloilo Police Provincial Office (IPPO).
Ang sama ng loob umano ay nagsimula noong Pebrero 2019 nang si Triste, na noon ay kapitan ng barangay, ay pinangunahan ng mga awtoridad na halughugin ang bahay ni Castro.
Nagkakitaan ang dalawa sa kaarawan ng biktima noong Oktubre 24 kung saan narinig umano ng mga saksi na sinita ng suspek ang biktima at sinabing ‘marami na ang atraso mo sa akin’ saka umalingawngaw ang tunog ng putok ng baril.
Sinabi ng pulisya na dati nang inaresto si Castro dahil sa pagkakaroon ng mga ilegal na baril at iba pang reklamo ngunit naayos na.
Sumuko si Castro at nasa Iloilo Provincial Prosecutor’s Office ang kanyang kaso. RNT