Home METRO 10K Manileño nabigyan ng cash aid sa AICS ng DSWD

10K Manileño nabigyan ng cash aid sa AICS ng DSWD

115
0

UMABOT sa 10,000 Manilenyo ang naging benepisyaryo ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na inilaan ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. nitong Huwebes sa Lungsod ng Maynila.

Kasama ni Sen. Revilla sina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Asuncion “Re” Fugoso sa pamamahagi ng tig-P2,000 pinansiyal na tulong na nagmula sa ika-3, ika-5 at ika-6 na Distrito ng lungsod kung saan kabilang dito ang mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha, mga barangay tanod, mga nasunugan, at mga barangay nutrition scholars na ayon sa alkalde ay madalas na nakakalimutan.

Tiniyak naman ni Sen. Revilla na hindi niya pababayaan ang mga Manilenyo sa oras ng kanilang pangangailangan dahil ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng mga ito.

Samantala, sa panayam sa senador, ibinida nito ang gagawin niyang pagtutok para tuluyang maisaayos ng master plan ng flood control na hindi lamang sa National Capital Region (NCR) kundi sa lahat ng panig ng bansa.

Ayon kay Sen. Revilla, bilang Chairman ng Committee on Public Works ng Senado, makakaasa ang mga Manilenyo na kasali ang Lungsod ng Maynila dahil alam nito ang pabalik-balik na problema ng pagbaha na noon pa aniyang araw nangyayari kaya ito ay hinahanapan nila ng solusyon sa kanyang ginagawang pagdinig sa Senado, kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Pinasalamatan naman ni Lacuna, gayundin ng mga Manilenyo, ang Senador dahil sa walang sawang pamamahagi ng tulong nito sa oras ng pangangailangan sa mga residente ng kabisera ng bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here