CANADA — Namatay sa rabies ang isang 11-anyos na batang lalaki mula Ontario, Canada ilang linggo matapos dapuan ng paniki ang kaniyang mukha habang natutulog, ayon sa ulat na inilathala sa Canadian Medical Association Journal.
Nangyari ang insidente noong summer ng 2024 sa isang cottage sa northern Ontario. Ayon sa mga doktor, natutulog ang dating malusog na bata nang dumapo ang paniki sa kaniyang ilong at bibig. Ipinagpag niya ito, habang nahuli naman ng kaniyang ama ang paniki at pinakawalan sa labas.
Hindi nagpakonsulta ang pamilya dahil walang nakitang kagat o kalmot sa bata.
Makalipas ang humigit-kumulang tatlong linggo, nakaranas ang bata ng pamamanhid sa kanang bahagi ng mukha, kawalan ng ganang kumain, at pamamaga ng mukha. Mabilis na lumala ang kaniyang kondisyon at nagkaroon siya ng hirap sa paglunok, pagkalito, hallucinations, labis na paglalaway, at multiple cranial nerve deficits.
Kalaunan ay nakumpirma sa saliva testing na may rabies ang bata. Sa kabila ng intensive care, patuloy na lumala ang kaniyang kondisyon, hanggang sa itinigil ang life-sustaining treatment 17 araw matapos siyang ma-admit sa ospital.
Ayon sa ulat, ito ang unang locally acquired human rabies case sa Ontario mula noong 1967.
Sinabi ng mga doktor na halos palaging nakamamatay ang rabies kapag lumabas na ang sintomas, ngunit maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng agarang post-exposure prophylaxis o PEP.
Hinimok ng mga awtor ng ulat ang sinumang nagkaroon ng direct contact sa paniki na agad kumonsulta sa public health authorities, kahit walang nakikitang kagat o kalmot, dahil maaaring napakaliit ng kagat ng paniki at hindi ito mapansin.
Nilinaw naman nila na ang simpleng pagkakita ng paniki sa kuwarto ng taong natutulog, kung walang kumpirmadong physical contact, ay karaniwang hindi sapat na dahilan para sa rabies PEP. Sa kaso ng bata, direktang dumapo ang paniki sa kaniyang mukha kaya itinuring itong high-risk exposure. RNT