INDANG, Cavite — Labing-isang gintong medalya — anim sa athletics at lima sa swimming — ang nakataya sa labanan sa 2nd Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Luzon Games 2024 sa Cavite State University Track Oval at De La Salle University-Dasmariñas dito Martes.
Nakataya ang mga gintong medalya sa finals sa women’s 1,500-meter run, ang men’s 1,500m, women’s at men’s long jump, at women’s at men’s 200m events sa CvSU simula 7 a.m.
Sa De La Salle University-Dasmariñas, limang gintong medalya sa 200m Individual Medley, 100m freestyle, 50m butterfly, 50m backstroke, at 200m breaststroke ang sasabak sa finals ng swimming simula 8:30 a.m.
Mga gintong medalya din ang nakataya sa men’s at women’s form of arnis simula 10 a.m. sa CvSU-International Convention Center (ICon) at sa Raiders competition sa CvSU Softball Field.
Samantala, nagsimula na ang elimination rounds sa men’s basketball sa Robinsons Tagaytay Basketball Court at City College of Tagaytay, women’s volleyball sa CvSU Quadrangle, at boxing sa Tagaytay Combat Sports Center noong Lunes.
Nagsimula rin ang labanan sa table tennis sa CvSU Gymnasium, sepak takraw sa Sigtuna Hall, at chess sa CvSU Rolle Hall.
Sa women’s volleyball, winalis ng PATTS College of Aeronautics ang Philippine State College of Aeronautics (PHILSCA), 25-17, 25-15, 25-19, para sa panalong simula.
Halatang masaya si PATTS Coach Paul Anthony Celis sa kinalabasan ng kanilang laro.
“Sa akin mahalaga ang paghahanda, mahalaga ang ensayo. Wag nilang i-understimate ang kalaban kahit sabihing ROTC lang ito. Palagi ko kino-konsinder na everytime na tumuntong kami sa court normal instinct dapat patay kung patay, panalo kung panalo o talo kung talo.” sabi ni Celis, na dati ring manlalaro ng volleyball.
“Minsan lang kasi kami mabuo, kasi may midyear classes yun mga bata. Sana sa darating pa na ROTC Games makapaghanda kami ng maayos kasi hindi pa kami masyadong prepare talaga. Malaki pa yun kulang.” Dagdag ni Celis.JC