Home HOME BANNER STORY 11 marinong nakaligtas sa pag-atake ng Houthi balik-Pinas na

11 marinong nakaligtas sa pag-atake ng Houthi balik-Pinas na

MANILA, Philippines- Nakaligtas sa pag-atake ng missile ng mga rebeldeng Houthi ang 11 sa 13 Filipino seaman na sakay ng True Confidence, na nakabalik na sa bansa nitong Martes.

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 alas-5:22 ng hapon ang mga marino at sinalubong ng mga opisyal mula sa Department of Migrant Workers (DMW).

Naroon rin ang mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Technical Education and Skills Development Authority at si Kabayan party-list Rep. Ron Salo.

Sinabi ng DMW na ang 11 nagbabalik na seafarer ay binubuo ng 10 hindi nasaktan na mga tripulante sa pag-atake ng missile sa kanilang barko, ang bulk carrier na True Confidence, ng mga rebeldeng Houthi noong Marso 6 habang binabagtas nito ang Gulpo ng Aden.

Ang ika-11 tripulante na nakasakay sa wheelchair ay nagtamo ng bali sa kanyang kaliwang paa sa panahon ng emergency evacuation ng barko ngunit kalaunan ay na-clear ng medical authorities na fit for travel.

Pagdating sa Pilipinas, muling nakasama ng mga marino ang kanilang mga pamilya na sumalubong din sa kanila sa VIP Lounge ng paliparan.

Ayon sa DMW, ang mga marino ay tatanggap ng tig-P50,000 mula sa kanilang departamento, P50,000 mula sa OWWA at P20,000 mula sa DSWD.

Sinabi rin ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa mga mamahayag sa press briefing na ang kanilang departamento ay nagbigay ng tulong-pinansyal sa mga seafarer.

Ito ay bukod pa sa tulong na ibibigay ng may-ari ng bulk carrier na pagmamay-ari ng Liberia sa mga nakaligtas.

Samatala, sinabi ng DOH na bibigyan din sila ng psychological counseling upang matulungan silang makabangon mula sa kanilang traumatic experience.

Sinabi pa ng DMW na isinasagawa ang recovery operations para sa pagkuha ng mga labi ng tatlong tripulante, dalawa sa kanila ay Pilipino na namatay sa pag-atake ng missile.

Ang dalawang marino at iba pang tripulante ang mga unang nasawi mula nang simulan ng Houthi group ang pag-atake sa mga barkong dumaraan sa Red Sea noong Nobyembre. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePBBM: Germany bukas sa mas malalim na maritime ties sa Pinas
Next articlePBBM nagtalaga ng mga key senior officials sa DOF