DAVAO CITY — Patuloy nitong Lunes ang search and retrieval operations para sa 11 kataong nawawala matapos ang malawakang pagbaha at landslide sa ilang bahagi ng Mindanao na nakaapekto sa mahigit 500,000 residente.
Anim sa mga nawawala ay mula sa Barangay Tanuman sa Jose Abad Santos, Davao Occidental, na tinamaan ng flash flood noong Hulyo 10 kasunod ng tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulang dulot ng pinaigting na southwest monsoon o habagat.
Sinabi ni Jose Abad Santos Mayor Jason John Joyce na tatlong nasawi ang narekober mula sa dagat.
Ayon kay municipal information officer Julie Marie Buen, patuloy na hinahanap ng mga responder ang iba pang nawawalang residente.
Iniulat ng Office of Civil Defense sa Davao region na 42 bahay ang lubusang nawasak ng flash flood sa Jose Abad Santos.
Isinailalim ang Davao Occidental sa yellow rainfall warning ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration noong Biyernes. Nagbabala ang Pagasa na ang katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng pagbaha sa mabababang lugar at landslide sa mga bulubunduking komunidad.
Sa Barangay Ngingir, Calanogas, Lanao del Sur, apat pa ang nawawala tatlong araw matapos ang landslide na tumabon sa ilang bahay at ikinasawi ng pitong residente, ayon sa Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence.
Nananatili sa lugar ang Quick Response Teams ng Bangsamoro READi upang hanapin ang mga nawawalang biktima.
Hinahanap din ng mga responder ang isang 70-anyos na lalaki na inanod ng baha sa Talayan, Maguindanao del Sur, noong Hulyo 8.
Sinabi ng Bangsamoro READi na 103,218 pamilya, o mahigit 500,000 indibidwal, ang naapektuhan ng pagbaha mula noong Hulyo 8. Umakyat ito mula sa tinatayang 45,000 pamilyang unang naiulat na apektado noong araw na iyon.
Mahigit 5,000 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center dahil hindi pa humuhupa ang baha sa ilang lugar.
Ang mga apektadong pamilya ay mula sa 327 barangay sa Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Special Geographic Area-BARMM, at Tawi-Tawi.
Umabot sa 147 bahay ang nasira dahil sa baha at landslide, kabilang ang 33 na lubusang nawasak.
Hindi pa inilalabas ng Bangsamoro READi ang kabuuang halaga ng pinsala habang nagpapatuloy ang assessment ng Bangsamoro Disaster Risk Reduction and Management Council.
Noong Hulyo 12, nagsagawa ang konseho ng aerial survey sa mga binahang lugar kasama ang Office of Civil Defense at Philippine Air Force Tactical Operations Group-12. Mary Anne Sapico