Home HOME BANNER STORY 114 dedo, 127 nawawala sa hagupit ni Tino — OCD

114 dedo, 127 nawawala sa hagupit ni Tino — OCD

286
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa 114 ang nasawi sa hagupit ng Bagyong Tino (Kalmaegi), ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes.

Ayon kay OCD deputy spokesperson Diego Mariano, 71 sa mga nasawi ay mula sa lalawigan ng Cebu, habang may naitalang mga pagkamatay sa Antique (1), Capiz (1), Iloilo (1), Bohol (1), Leyte (1), Southern Leyte (2), Negros Occidental (18), Negros Oriental (12), at Agusan del Sur (6).

Sinabi rin ni Mariano na 127 katao ang nawawala at 82 ang sugatan dahil sa bagyo.

Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo ganap na 12:30 a.m. nitong Huwebes. Pagsapit ng 4 a.m., ito ay namataan 265 kilometro hilaga-hilagang kanluran ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan, taglay ang hanging 155 kph at bugsong 190 kph.

Ayon sa PAGASA, “On the forecast track, Tino will move generally west northwestward towards Central Vietnam.”

Inaasahang makararanas ng malalakas na ulan at bugso ng hangin ang Kalayaan Islands, habang magdadala naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkidlat-pagkulog ang trough ng bagyo sa Zamboanga Peninsula, Aurora, Quezon, Palawan, Basilan, at Tawi-Tawi.

Samantala, mahigit 1.4 milyong kabahayan sa Visayas ang walang kuryente, na apektado ang tinatayang pitong milyong residente, ayon sa Department of Energy (DOE).

Batay sa datos ng National Electrification Administration (NEA), 53 electric cooperatives sa 10 rehiyon ang naapektuhan, kabilang ang Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, at Negros Island.

Sa mga ito, 17 ang bumalik na sa normal na operasyon, 24 ang may bahagyang aberya, at siyam ang wala pa ring suplay ng kuryente. Tatlong kooperatiba pa ang hindi nakapag-ulat ng kanilang kalagayan.

Ayon naman sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), hanggang 5 p.m. ng Miyerkules, apat na 69-kV lines, isang 138-kV line, at isang 230-kV line ang nananatiling hindi gumagana. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here