MANILA, Philippines – Tumaas sa 22% ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong nakaranas ng involuntary hunger o pagkagutom na walang makain sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Mas mataas ito ng 5.9 puntos kumpara sa 16.1% noong Hunyo at 20% noong Abril 2025.
Ayon sa SWS, ang karaniwang antas ng gutom sa 2025 ay 20.2%, kapantay ng nakaraang taon at bahagyang mababa sa 21.1% na naitala noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.
Pinakamataas ang gutom sa Metro Manila (25.7%), sinundan ng Balance Luzon (23.8%), Mindanao (19.7%), at Visayas (18.7%).
Sa mga nakaranas ng gutom, 16% ang nakaranas ng katamtamang gutom, habang 5.2% ang matinding gutom.
“Moderate hunger refers to those who experienced hunger only once or a few times in the last three months, while severe hunger refers to those who experienced it often or always,” ayon sa SWS.
Tumaas din ang gutom sa mga pamilyang itinuturing ang sarili na food-poor, mula 21.3% tungong 31.5%, habang umakyat sa 12.4% tungong 15.3% sa mga non-food-poor.
Isinagawa ang survey mula Setyembre 24 hanggang 30, 2025, sa 1,500 adult respondents sa buong bansa, na may margin of error na ±3%. Santi Celario