Home NATIONWIDE 115 socmed pages tinanggal sa pagbebenta ng paputok

115 socmed pages tinanggal sa pagbebenta ng paputok

CAMP CRAME- Mahigit 100 social media pages ang inirekomendang tanggalin ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at tuluyang binura dahil sa pagbebenta ng  paputok at iba pang pyrotechnic devices, ayon sa ulat nitong Huwebes.

Base sa datos mula kay PNP-ACG public information officer Lt. Wallen Arancillo, kabilang dito ang 59 pages sa Facebook, 54 sa X (dating Twitter), isa sa Spotify, at isang website. 

Nadakip naman ng PNP-ACG ang 10 indibidwal mula sa walong entrapment operations, na nagresulta rin sa pagkakakumpiska sa tinatayang P76,400 halaga ng fireworks at firecrackers.

“‘Yong mga nahuli natin ay nagbebenta sila ng firecrackers na ipinagbabawal through the different social media platforms, doon natin natuklasan at sa ating pagbili, doon naman napag-alaman natin na talagang meron silang paputok,” pahayag ni PNP-ACG officer-in-charge Brig. Gen. Bernard Yang nitong Huwebes.

Kamakailan ay ipinag-utos ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang pagtugis sa online sale ng mga paputok, dahil sa hindi umano matiyak ang kaligtasan at kalidad ng mga produktong ito.

Binanggit din niyang maaaring hindi lisensyado ang nagtitinda o tumatalima sa safety protocols. RNT/SA