MANILA, Philippines- Nagsimula nang magtungo ng ilang indibidwal sa Bocaue, Bulacan upang mamili ng firecrackers at fireworks nitong Huwebes bago ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Bultong firecrackers at fireworks ang binili ng ilan, base sa ulat.
Sinabi naman ng mga nagtitinda na matapos ang pagdiriwang ng Pasko nitong Miyerkules, inaasahan nilang magdaragsaan ang mga mamimili sa kanilang mga tindahan ng Huwebes upang bumili ng paputok para sa Bagong Taon.
Hindi pa rin umano nagbabago ang presyo ng mga paputok.
Nagkakahalaga ang lusis ng P200 kada tatlong piraso, fountain ng P150 hanggang P250 kada piraso, at kwitis ng P850 kada 100 piraso.
Sa isang panayam, sinabi ni Bocaue Fire Station public information section chief Fire Officer 3 Joseph Rhayan Evangelista na tumatalima naman ang firecrackers stores sa mga regulasyon.
“Okay naman. Sumusunod naman lahat ng mga manufacturing natin at saka mga nagbebenta kasi taon-taon naman natin ito ginagawa,” ani Evangelista.
“Ang inaano naman ng Bureau is laging parang sa doktor: Prevention is better than cure. So ‘yun munang information dissemination, safety,” patuloy niya. RNT/SA