MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mahigit 115,000 bakanteng trabaho ang ilalaan sa buong bansa sa isasagawang sabayang Labor Day job fairs sa Mayo 1, 2026.
Ayon sa DOLE, layunin ng inisyatiba na palawakin ang access sa trabaho at kita, lalo na para sa mga nananatiling walang empleyo. As of April 23, nakapagtukoy na ang ahensya ng 88 job fair sites sa iba’t ibang panig ng bansa, na karamihan ay ilalagay sa mga mall upang mas madaling puntahan ng mga jobseeker.
Aabot sa 1,280 lokal na employer ang inaasahang lalahok, na mag-aalok ng 115,358 bakanteng posisyon sa iba’t ibang industriya, at inaasahang madaragdagan pa ang bilang sa mga susunod na araw.
Kabilang sa mga pangunahing sektor na may hiring ay wholesale at retail trade, manufacturing, construction, business process outsourcing (BPO), at accommodation and food services.
Ililista rin sa mga in-demand na trabaho ang stock clerks at sales associates; production operators at workers; carpenters, foremen, at steelmen; customer service representatives; at service crew, line cooks, at baristas.
Hinikayat ng DOLE ang mga aplikante na magdala ng maraming kopya ng resume at valid ID upang mapabilis ang proseso sa mga job fair venues.
Gaganapin ang 124th Labor Day job fairs sa iba’t ibang lugar sa bansa, kabilang ang malalaking mall, convention centers, at mga government facilities gaya ng SMX Convention Center, SM North EDSA, SM City Pampanga, SM City Cebu, mga Robinsons malls, at iba’t ibang provincial capitols at city halls sa lahat ng rehiyon.
Ang selebrasyon ngayong taon ay may temang: “Disenteng Trabaho para sa Lahat: Iisang Hangarin, Bagong Pilipinas Sama-samang Mararating.” Jocelyn Tabangcura-Domenden