MANILA, Philippines- Nahaharap ngayon ang 117 Pilipinong manggagawa mula sa Makati City office na sinalakay kamakailan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa kasong paglabag sa Data Privacy Act.
Sinabi ng mga opisyal ng PAOCC, natukoy nito ang mga establisimyento na nagsisilbi bilang hub ng ilang online lending applications na ilegal na hina-harras ang mga may utang.
May 131 Pilipinong mangggawa ang nasa ilalim ng kustodiya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), 14 ang pumayag na tumestigo sa korte.
Papayagan naman ang 14 Pinoy na hindi makasama mula sa asunto na paglabag sa Data Privacy Act filed laban sa kanilang mga kasamahan na sumasailalim sa inquest proceedings.
“Lahat po sila, masasampahan po ng kaso at i-de-determine po ng mga piskalya kung lahat sila ay magkakaroon ng pananagutan o wala,” ayon kay PAOCC spokesperson Director Winston Casio.
Kapwa sinabi ng PAOCC at National Bureau of Investigation (NBI) na tinitingnan nila ang posibleng koneksyon sa pagitan ng lending app companies at POGO operations.
Sa ulat, inilunsad ang pagsalakay ng mga operatiba ng PAOCC, NBI Organized and Transnational Crime Division noong nakaraang Biyernes, matapos magpalabas ng search warrant ang Makati Regional Trial Court.
“Ang nakakalungkot kasi dito, ang niloloko dito mga Pilipino. At ang mga nanloloko, ang mga nangha-harass, ang mga nagbibigay ng sakit ng loob is mga Pilipino din,” ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz.
Naniniwala ang PAOCC na ang mga dayuhan ang nasa likod ng mga nasabing operasyon.
“Ang nagpapasunod sa kanila, nagpapatakbo ng operasyon ay mga Chinese o mga foreign nationals na siyang nagsisilbing mga boss nitong loan applications,” ang sinabi pa rin ni Cruz.
Matapos ang pagsalakay, sinabi ng PAOCC na nakatanggap ito ng mas maraming reklamo laban sa ‘unfair collection practices’ ng OLAs. Iniimbestigahan na nila ang reklamong ito.
Dahil dito, kagyat na humingi ng tulong sa PAOCC ang mga biktima ng harassment at pagbabanta para tapusin na ang mapang-abuso at criminal debt collection strategies.
Samantala, sinabi ng PAOCC na maaaring ginagamit ng POGOs ang OLAs bilang fronts ng para sa kanilang scamming operations.
Wala namang naarestong lending app owners nang isagawa ang pagsalakay. Kris Jose