MANILA, Philippines – Umalingasaw ang bangkay ng 12-anyos na batang babae na halos dalawang araw nang nawawala sa Santiago, Isabela.
Base sa paunang imbestigasyon, nakita ang bangkay nang wala nang saplot pang-ibaba sa masukal na bahagi ng gilid ng daan.
Basag ang bungo ng biktima na posibleng hinampas ng pala ng kahoy at bato.
Naaresto ng pulisya ang isang suspek na umamin umano sa krimen.
Ayon kay SCPO Director Police Colonel Lucio Simangan, Jr., kabarangay lang din ng biktima ang suspek.
Ilang testigo rin ang nakakita umano sa suspek sa lugar kung saan natagpuan ang biktima.
“[There’s] also the CCTV footage that the suspect frequented the area previously at nakita rin siya sa araw ng pangyayari ng oras na ‘yun. Nagconduct kami ng investigation at kami ay nagpapatunay na siya ang primary suspect kaya namin siya hinuli,” sabi ni Simangan.
Sa imbestigasyon, napag-utusan ng kanyang tiyahin na bumili ng sabon ang biktima pero hindi nakauwi kaya hinanap ng kaanak hanggang natagpuan siyang duguan sa bakanteng lote.
“Sa aming pagsasaliksik, may grudge itong suspek dun sa bata kasi kinukutiya niya ‘yung suspek dahil may kapansanan sa mata, baka dun nag-ugat ang motive,” dagdag pa ni Simangan.
Hindi rin isinasantabi ng pulisya ang posibilidad na ginahasa ang biktima dahil wala na itong saplot pang-ibaba.
Inihahanda na ang reklamong rape with homicide laban sa suspek. RNT