Home SPORTS Heroes’ parade ng Pinoy Olympian inilipat sa Miyerkules, Agosto 14

Heroes’ parade ng Pinoy Olympian inilipat sa Miyerkules, Agosto 14

MANILA, Philippines – Inilipat sa Miyerkules (Agosto 14) ang engrandeng heroes’ parade para sa mga atletang lumahok sa Paris Olympics at nag-uwi ng medalya at karangalan para sa bansa.

Ayon sa ulat, inilipat ang parade dahil ang two-time Olympic champion na si Carlos Yulo at iba pang Filipino Olympians ay darating sa Pilipinas bandang alas-6 ng gabi ng Martes.

Sila ay sasalubungin ng mga opisyal ng gobyerno at  pagkatapos nito at pupunta sila sa Malacanang kung saan isang awarding ceremony at dinner reception ang gaganapin para sa kanila.

Bibigyan din umano ang lahat ng Filipino Olympians ng cash incentives ng Malacanang.

Magsisimula ang motorcade sa Pasay, ayon sa organizer ng heroes’ welcome.

“Sa susunod na araw [Miyerkules], kukunin ang mga atleta mula sa kanilang [mga tinutuluyan] at dadalhin sa Aliw Theater kung saan gaganapin ang isang motorcade, mula Aliw Theater hanggang sa Rizal Memorial Sports Complex,” sabi ng organizer mula sa Palasyo.

Magsisimula ang 7.7 kilometrong motorcade  sa Aliw Theater pagkatapos ay liliko sa Roxas Boulevard, kakanan sa P. Burgos, at pagkatapos ay didiretso sa Finance Road.

Aabot ito sa Taft Avenue, kakanan sa Quirino Avenue hanggang Adriatico Street at magtatapos ito sa Rizal Memorial Sports Complex.

Nang tanungin kung bakit inilipat ang parada, sinabi ng organizer na: ”Dahil darating sila ng 6 p.m., naisip namin na magkaroon ng parada sa susunod na araw.”

Nilinaw din ng Malacanang na bahala na ang mga atleta kung sino ang kanilang iimbitahan sa welcome ceremony para sa kanila, at binanggit na walang kamay ang Malacañang dito.

”Ang binigay talaga namin is that each athlete is allowed to invite up to four members, either their family, close ones, etc., we left that entirely to them. Kaya kung sino ang kasama sa pag-welcome na iyon ay kung sino ang gustong makasama ng mga atleta,” dagdag ng organizer mula sa Palasyo.

Wala pa umano silang ideya kung sino ang iimbitahan ni Yulo para sa welcome ceremony.

Ayon sa Philippines Sports Commission, ang seremonya ng pagtanggap ng Palasyo para sa mga atleta ay magiging ‘simple ngunit makabuluhan.”

Lumabas ang Pilipinas  bilang pinakamahusay na Southeast Asian team sa Olympics matapos isara ang Paris 2024 na may apat na medalya.

Tinapos ng bansa ang Summer Games sa 37th spot na may dalawang gintong medalya mula kay Yulo, na namuno sa men’s floor exercise at vault, at dalawang bronze medals sa kagandahang-loob ng mga boksingero na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas.JC