MANILA, Philippines- Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 12 mangingisda sa katubigan ng El Nido, Palawan matapos makaranas ng mechanical problems ang kanilang fishing boat at magsimulang tangayin dahil sa maalong kondisyon ng dagat.
Sinabi ng PCG na ipinadala nito ang BRP Melchora Aquino para magsagawa ng rescue operations matapos matanggap ang distress call.
Nahanap ng PCG vessel ang bangka ng mga mangingisda, ang FB BART-2, sa loob ng ilang oras ng pag-deploy nito.
Natagpuan ang fishing boat sa Canuli Island sa El Nido kung saan ligtas at nasa maayos na kondisyon ang lahat ng crew.
Nabigyan din ng kinakailangang tulong ang mga mangingisda tulad ng medical evaluation, supplies at hinila rin ang kanilang bangka sa ligtas na lugar.
Kasunod ng pangyayari, muling nanawagan ang PCG sa seafarers na unahin ang kanilang kaligtasan at pagtiyak sa seaworthiness ng kanilang sasakyang-pandagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden