MANILA, Philippines – Labindalawang katao ang iniulat na nasawi habang siyam ang nawawala dahil sa epekto ng Bagyong Crising at ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules, Hulyo 23.
Batay sa impormasyon mula kay Police Brigadier General Randulf Tuaño, hepe ng PNP public information office sa panayam ng DZBB, pinakamaraming nasawi ay mula sa Calabarzon na may limang kaso.
Sumunod ang Negros Island Region na may tatlo.
Tig-iisang nasawi naman ang naitala sa Metro Manila, Mimaropa, Northern Mindanao, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Karamihan sa mga nasawi ay sanhi ng pagkalunod at pagkamatay sa nabagsakang puno.
Samantala, ayon pa sa PNP, siyam na katao ang nawawala at pito ang nasugatan dahil sa epekto ng bagyo at habagat.
Ang mga datos na ito ay isasailalim pa sa beripikasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Matatandaang nitong Hulyo 16, isang low pressure area (LPA) ang naging Tropical Depression Crising sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Pagsapit ng Hulyo 19, lumakas ito bilang severe tropical storm at lumabas ng PAR. RNT/JGC