Home HOME BANNER STORY DILG Remulla nag-sorry sa ‘pabirong’ anunsyo ng class, work suspensions

DILG Remulla nag-sorry sa ‘pabirong’ anunsyo ng class, work suspensions

307
0

MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla kaugnay sa pabirong paraan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pag-aanunsyo ng suspensyon ng klase at trabaho dahil sa masamang panahon.

Sa panayam ng GMA nitong Miyerkules, Hulyo 23, sinabi ni Remulla na wala siyang intensyong maliitin ang pinagdaraanan ng publiko at layunin lamang niya ay magbigay ng kahit kaunting gaan sa sitwasyon.

“Siguro hindi nila ako naiintindihan. Pabiro talaga ako. Hindi ko naman minamaliit ang pinaghihirapan nila… ginawa kong mas magaan para hindi negative vibes lagi ang naririnig,” ani Remulla.

“Kung ‘di naman nila naiintindihan ay humihingi ako ng pasensiya… wala naman akong masamang intensiyon,” dagdag pa niya.

Umani ng batikos mula sa netizens ang Facebook post ng DILG nitong Martes na naglalaman ng mga katagang:

“Mga abangers, may inaabangan ba kayo? Mamaya na, kain muna ko.”

Makalipas ang ilang oras ay muling nag-post si Remulla ng, “Mga abangers, sarap ng bogchi ko. Sa kabusugan ay nakaidlip nang sandali. Oh eto na inaabangan niyo!”

Ang mga nasabing posts ay kaugnay ng anunsyo ng class at work suspensions dulot ng habagat at malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang rehiyon.

Bagamat may ilan na natuwa sa kabiroan, karamihan sa mga reaksyon ay galit at nagsasabing hindi angkop ang ganitong tono sa panahon ng krisis. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here