MANILA, Philippines- Nasagip ng mga awtoridad ng Pilipinas sa Myanmar ang 12 Filipino na umano’y nakaranas ng pang-aabuso at exploitation mula sa kanilang employer.
Dumating sa bansa noong Miyerkules ang 12 biktima na umano’y ilegal na na-recruit para magtrabaho sa Myanmar.
Nahikayat ang mga biktima sa pamamagitan ng Facebook ng isang Filipino na nag-aalok ng trabaho bilang customer ales representatives sa Myanmar, para lang pagsamantalahan sila na magtrabaho bilang online scammers doon na umano ay walang sweldo o araw ng pahinga.
Pisikal din umano silang inabuso, binugbog, kinuryente, at kung minsan ay napipilitang mag-duck walk, mag-frog walk, tumalon, at maglupasay nang ilang oras.
Sa isang naunang ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng isang Filipina na manggagawa na mayroon lamang silang mga araw para akitin ang mga estranghero sa online at dayain sila sa pamumuhunan sa isang pekeng negosyo, at ang pagkabigong gawin ito ay magreresulta sa pambubugbog o pagpapahirap sa pamamagitan ng electric shock.
Nang humingi ng pahintulot ang mga manggagawang Pilipino na umalis, humingi ang kanilang mga amo ng $15,000, na nag-udyok sa kanila na tumakas at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Inulit ng DMW ang babala nito sa mga Pilipino na maging “mas maingat” laban sa mga kahina-hinalang alok ng trabaho sa social media at iberipika ang kanilang pagiging lehitimo sa pamamagitan ng DMW website.
Nagbabala rin ang Bureau of Immigration sa illegal gambling syndicates na umaakit sa mga Filipino na magtrabaho sa mga scam hub sa ibang bansa, na binanggit ang mga ulat ng intelligence report na nagpapakitang pinopondohan ng mga POGO ang ilang mga call center agent para kumilos bilang “brand ambassadors” para isulong ang mga ilegal na trabaho. Jocelyn Tabangcura-Domenden