MANILA, Philippines- Binuksan ng National Bureau of Investigation-Davao (NBI-11) ang imbestigasyon sa mahigit 1,200 birth certificates na inisyu sa mga Chinese national sa Sta. Cruz, Davao del Sur mula 2016 hanggang 2019.
Sinabi ni NBI-11 Director Atty. Arcelito Albao na inaalam pa nila kung ilan sa 1,200 ang kuwestiyonable o peke.
Kamakailan, natuklasan ng NBI-11 ang humigit-kumulang 200 pekeng birth certificates na inisyu sa mga Chinese sa bayan kasunod ng pagkakaaresto sa isang 21-anyos na Chinese national na nagsumite ng pekeng birth certificate nang mag-apply ito ng Philippine passport sa Davao City.
Ayon kay Albano, wala pang eksaktong bilang kung ilan ang may criminal records dahil iba ang nakapangalan sa birth certificate at iba ang pangalan ng mga nagmamay-ari nito na Chinese nationals.
Natuklasan din ng NBI-11 na ang pagkuha ng pekeng birth certificate sa Davao del Sur ay aabot umano sa P500,000.
Tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad na may sindikato sa likod ng ilegal na aktibidad na ito.
Naalarma naman ang NBI-11 dahil maaring malaking banta ito sa national security.
“Ang problema natin dito is ‘pag nakakuha ng birth certificate, they consider themselves as Filipino after which they can open bank accounts anywhere sa Pilipinas… baka one of these days, hindi natin alam mga kapitbahay natin puro na mga Chinese nationals wala na tayong lote o property pag-aari na ng ibang national,” sabi ni Albao.
Pinaalalahanan ng NBI-11 ang publiko lalo na ang mga developer at mga nagbebenta ng ari-arian na suriin ang mga dokumento nang mabuti at alamin kung ang mga ito ay nakikipagtransaksyon sa isang Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden