MANILA, Philippines- Inihayag ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes na tinanggihan niya ang hiling nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na tulungan sila sa kani-kanilang senatorial slates.
“Before ako mag-resign, meron kaming isang meeting kung saan inimbita ako ni President Marcos na sumali, tumulong sa administration para sa mga senators, senator-candidates at sabi ko sa kanya, hindi muna ako sasali sa midterm elections,” pahayag ni Duterte sa isang ambush interview.
“Sa isa namang pagkikita namin ni former President Duterte, by chance nagkita kami ni former President Duterte, inimbita niya rin ako na mangampanya, tumulong, sumuporta para sa mga candidates ng PDP. So sinabi ko rin sa kanya na hindi muna ako sasali sa midterm elections,” dagdag niya.
Bagama’t tinanggihan niya ang hiling ng kanyang ama, binanggit ng Bise Presidente ang nakatakdang “heart-to-heart” meeting kasama ang PDP re-electionists– Senators Bong Go at Ronald “Bato” dela Rosa– pagkatapos ng State of the Nation Address.
“Kailangan ko muna kasi pag-isipan kung ano ‘yung direksyon ko sa midterm elections sa susunod na taon kaya hindi pa ako handa na sumagot sa kanilang dalawa kung anong gagawin for the midterm elections,” paliwanag niya. RNT/SA