Home NATIONWIDE 121 PH schools pasok sa Times Higher Education Impact Rankings 2025

121 PH schools pasok sa Times Higher Education Impact Rankings 2025

MANILA, Philippines – Record-breaking ang pagkakapasok ng 121 higher education institutions (HEIs) mula sa Pilipinas sa 2025 Times Higher Education (THE) Impact Rankings, na inilabas nitong Martes, Hunyo 18.

Ito ay sumasalamin sa lumalaking commitment ng bansa sa sustainable development sa higher education.

Doble ito sa 56 Philippine institutions na nakapasok sa edisyon noong nakaraang taon at nagmamarka ng pinakamataas na bilang ng mga ranked school mula sa anumang Southeast Asian country.

Sa buong mundo, sinusundan ng Pilipinas ang India (147 institutions) at Pakistan (126) sa bilang ng mga unibersidad na nakapasok.

Nag-aambag ang THE Impact Rankings sa United Nations’ 17 Sustainable Development Goals (SDGs), sa pagsukat ng performance sa research, stewardship, outreach, at pagtuturo.

Nananatiling top-ranked Philippine University ang Ateneo de Manila University na umakyat sa 101–200 bracket sa buong mundo mula sa 201–300 pwesto nito noong nakaraang taon.

Pantay naman sa ikalawang pwesto sa local HEIs ay ang Batangas State University, Isabela State University, at University of the Philippines, na nasa 401–600 global bracket.

Napanatili ng University of Santo Tomas (UST) ang performance nito sa pananatili sa 601–800 band sa ikalimang sunod-sunod na taon.

Kasama nito ang Caraga State University–Ampayon campus, Ifugao State University, Mariano Marcos State University, Leyte Normal University, at Saint Louis University.

May kabuuang 11 unibersidad naman ang nakapasok sa 801–1000 bracket:

Benguet State University (retained rank)
Bukidnon State University
Central Bicol State University of Agriculture (up from 1001–1500)
Central Luzon State University (retained rank)
De La Salle University (down from 401–600)
Kalinga State University
Mapúa University (retained rank)
Mindanao State University – Iligan Institute of Technology (up from 1001–1500)
Mountain Province State Polytechnic College (retained rank)
Southern Luzon State University

Samantala, nanguna sa 2025 rankings ang Western Sydney University sa Australia, sinundan ng University of Manchester sa United Kingdom.

May kabuuang 2,526 unibersidad mula sa 130 bansa at rehiyon ang lumahok sa ranking ngayong taon. RNT/JGC