Home HOME BANNER STORY 122K pumirma sa kampanya ng Cebu Catholic church vs diborsyo

122K pumirma sa kampanya ng Cebu Catholic church vs diborsyo

MANILA, Philippines – Nakakalap na ng 122,000 pirma ang Archdiocese of Cebu bilang pagtutol sa pagpasa ng divorce bill.

Sa pulong balitaan nitong Sabado, Hulyo 20, sinabi ni Cebu Archbishop Jose Palma na masaya ang Simbahang Katolika na malamang maraming mga tao ang pumipirma sa “Yes I Do To Marriage, Yes To Family, No Divorce” signature campaign sa 170 parish churches sa probinsya.

“Many other countries admire the Philippines [where] love is reciprocated with love and that Filipinos commit to a relationship for life,” ayon kay Palma.

Sinegundahan ni Msgr. Raul Go, pinuno ng Cebu Archdiocesan Matrimonial Tribunal, ang pahayag ni Palma sa pagsasabing ang mga Filipino “still hold on to what marriage is designed for.”

Hinimok ni Go ang mga politiko na naninindigan laban sa diborsyo na maging proud dahil patuloy pa ring hawak ng Pilipinas ang record ng tanging bansa sa labas ng Vatican na walang divorce law.

“It is something to be proud of and not to be ashamed of,” ani Go.

Ayon kay Priest activist Carmelo Diola, inaasahan ng archdiocese ay 100,000 pirma lamang ang kanilang mga makukuha ngunit nahigitan pa ito.

Inimbitahan ni Palma ang mga Cebuano na lumahok sa prayer rally sa Hulyo 26, na magsisimula sa testimonial walk mula Fuente Osmeña Rotunda patungong Basilica Minore del Sto. Niño.

Matatandaan na inaprubahan ng Kamara noong Mayo 22 ang House Bill 9349 o proposed Absolute Divorce Act na may 131 affirmative votes, 109 negative votes at 20 abstentions.

Pending pa rin ang panukala sa Senado. RNT/JGC