MANILA, Philippines — Nagpakalat ang Philippine National Police (PNP) ng 123 police vehicles at karagdagang mga tauhan upang magbigay ng libreng sakay, evacuation assistance at iba pang tulong sa mga residenteng at commuter na apektado ng patuloy na malakas na ulan at pagbaha.
Ayon sa PNP, ginagamit ang mga sasakyan upang ihatid ang mga stranded na pasahero, partikular sa mga lugar kung saan limitado o apektado ang operasyon ng pampublikong transportasyon dahil sa baha.
Iniutos ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga regional at local police unit na bantayang mabuti ang sitwasyon at gamitin ang available personnel at resources kung saan higit na kinakailangan ang tulong.
Kasabay nito, naka-standby rin ang mga police team para sa evacuation at iba pang emergency response habang nagpapatuloy ang masamang panahon.
Nagpasalamat si Nartatez sa mga pulis na agad tumulong sa mga stranded commuter at residenteng naapektuhan ng pagbaha.
Patuloy aniyang ia-adjust ang deployment ng mga tauhan at sasakyan batay sa aktuwal na kondisyon sa mga apektadong lugar.
Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na iwasang tumawid o dumaan sa mga binahang lugar at agad humingi ng tulong sa mga awtoridad kung kinakailangan. Santi Celario