ZAMBOANGA CITY — Idineklara ng Ateneo de Zamboanga University ang Agosto 19 bilang day of mourning and prayer kasunod ng pamamaril sa junior high school campus nito na ikinasawi ng dalawang estudyante nitong Martes.
Sinuspinde rin ng unibersidad ang mga klase sa lahat ng antas noong Agosto 18 at 19 habang patuloy na hinaharap ng komunidad ang epekto ng insidente.
“We are truly, truly saddened by what had happened,” ani Ateneo de Zamboanga University President Fr. Anthony “Ernald” Andal, SJ, sa isang briefing.
Ayon kay Andal, ligtas nang nailikas ang mga estudyante at isa-isa nang ipinauubaya sa kanilang mga magulang o guardian. Tiniyak din niyang nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng paaralan sa mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Dalawang estudyante ang nasawi sa insidente. Naunang sinabi ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso na kabilang sa mga nasawi ang estudyanteng umano’y namaril.
Nanawagan din ang Ateneo de Zamboanga sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, larawan at video na maaaring makadagdag sa pinsala sa mga apektado at makahadlang sa imbestigasyon.
Hiniling din ng unibersidad na igalang ang privacy ng mga estudyante, pamilya at iba pang sangkot sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng Zamboanga City Police Office sa pamamaril. Mary Anne Sapico