Home NATIONWIDE 124 pamilya inilikas sa Iloilo sa pagbaha dulot ng Habagat, Bagyong Kiyapo

124 pamilya inilikas sa Iloilo sa pagbaha dulot ng Habagat, Bagyong Kiyapo

1
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 124 pamilya o 482 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha sa Iloilo City dulot ng Tropical Storm Kiyapo at pinaigting na habagat, ayon sa Iloilo City Emergency Operations Center (ICEOC).

Sa Situation Report No. 2 na inilabas nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 24, sinabi ng ICEOC na 202 katao mula sa 66 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa apat na evacuation center.

Aabot sa 43 barangay sa pitong distrito ng lungsod ang binaha, bagama’t humupa na ang tubig sa anim na barangay pagsapit ng gabi. Nanatiling lubog sa baha ang 37 barangay.

Nakapagtala rin ang mga awtoridad ng limang insidente ng natumbang puno sa Jaro, La Paz at Mandurriao dahil sa malalakas na hangin. Wala namang naitalang natumbang poste ng kuryente.

Kabilang sa mga pinakamatinding naapektuhan ang ilang lugar sa Lapuz, La Paz, Jaro, Molo, Mandurriao, Arevalo at City Proper kung saan umabot sa 12 hanggang 40 pulgada ang lalim ng baha sa ilang bahagi.

Nagbukas ng mga evacuation center sa walong barangay, kabilang ang Calubihan at San Vicente sa Jaro, Ticud sa La Paz, Alalasan at Don Esteban sa Lapuz, Airport sa Mandurriao, at San Antonio at Infante sa Molo.

Nakahanda rin ang pamahalaang lungsod na mamahagi ng 2,000 food packs mula sa City Social Welfare and Development Office at 1,691 food boxes mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Patuloy namang nagsasagawa ng 24-oras na monitoring ang Operations Center sa mga flood-prone areas, lagay ng panahon, early warning devices at CCTV cameras habang nakikipag-ugnayan sa mga barangay at iba pang response agencies.

Bilang pag-iingat, inirekomenda rin ng city government ang pagpapatupad ng asynchronous classes sa lahat ng paaralan sa Sabado, Hulyo 25.

Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling alerto, bantayan ang mga opisyal na abiso, at iwasang dumaan sa mga binahang lugar habang patuloy na nakaaapekto sa bansa ang Bagyong Kiyapo at habagat. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here