Home METRO 128 wanted, sugarol, durugista, armado timbog sa Bulacan police ops

128 wanted, sugarol, durugista, armado timbog sa Bulacan police ops

Bulacan – Arestado ang nasa 128 kabilang ang limang most-wanted persons, 42 iba pa, 12 sugarol, 62 drug suspects na nakumpiskahan ng P1,050,872 halaga ng shabu at pitong indibiduwal sa loose firearms sa pinatinding kontra krimen ng pulisya sa lalawigang ito.

Sa report ng Bulacan police, ikinasa nila ang intensified Anti- criminality nitong November 4 hanggang November 10 sa ibat-ibang ng lalawigan.

Nabatid na ang naturang hakbang o kaliwat-kanang operasyon kontra krimen ay may kaugnayan na rin upang maging mapayapa ang paparating na 2025 midterm elections.

Kaugnay nito, maraming ikinalat na pulis sa mga matataong lugar at mga outpost sa buong Region 3 upang mabilis ang kanilang pagresponde sakaling may maganap na krimen at pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Kabilang sa kanilang kampanya kontra krimen ay ang pagsasagawa ng Oplan Galugad, Oplan Sita katuwang ang Motorcycle patrols at ang pagsasagawa ng mga check points.

Layunin ng kampanya na hindi na mabigyan ng pagkakataon ang mga kawatan na maisakatuparan ang kanilang iligal na gawain.

Sinasabing bumaba ng 6.16 percent ang krimen sa Region 3 nitong nakalipas na dalawang buwan (Agosto 31-Oktubre 31, 2024) kumpara sa parehong panahon nitong nagdaang taon.(Dick Mirasol III)