MANILA, Philippines – Inaasahan ng Batangas Port ang pagdagsa ng aabot sa 12,000 pasahero sa long weekend na nagsimula kahapon, Agosto 23 hanggang 26, 2024.
Ayon sa port management, nasa pagitan ng 8,000 hanggang 12,000 pasahero ang inaasahan ngayong long weekend mula sa karaniwang 5,000 hanggang 6,000 daily foot traffic.
“Ang increase ay mga 32 percent ang inaasahan. Malamang, bukas ay mas marami. Nakipag-usap tayo sa mga shipping lines, pare-pareho naman kaming inaasahan ang pagdami,” sinabi ni Joselito Sinocruz, port manager.
“Sinisigurado ng PPA (Philippine Ports Authority) na nandiyan ang kanilang mga barko, at ang turnaround time na pabilisin, just in case na dumami ang tao. Kahit hindi na magdagdag ng barko, ‘yung makabalik na lang kaagad,” dagdag niya.
Inaasahang dodoble pa ang mga bibiyahe ngayong Sabado, Agosto 24 para sa mga magsusulit ng extended break.
Bilang tugon, mas hinigpitan ang security measures sa loob ng passenger terminal building.
Mahigpit ding ipinapatupad ang pagbabawal sa pagdadala ng pork products dahil sa banta ng
African Swine Fever (ASF).
Nagpaalala si Sinocruz sa mga biyahero na sumunod sa regulasyon para sa mas maayos na byahe.
“‘Yung mga bawal: bladed weapons, pati ‘yung mga meat products. Nandito ‘yung mga kasama natin sa ibang ahensya na nakabantay po. Huwag niyo na pong ipilit, maaantala lang kayo,” aniya. RNT/JGC