Home METRO 12K pulis ikinalat sa C. Luzon para sa Halalan 2025

12K pulis ikinalat sa C. Luzon para sa Halalan 2025

BULACAN — Nasa mahigit 12,000 pulis mula sa Police Regional Office 3 (PRO3) ang nakadeploy sa iba’t ibang polling precincts sa buong Central Luzon, kabilang ang lalawigang ito, bilang bahagi ng seguridad at kahandaan para sa halalan sa Mayo 12, 2025.

Ayon sa ulat kay PBGEN Jean Fajardo, Regional Director ng PRO3, nagsimula ang malawakang deployment ng mga pulis noong Linggo, Mayo 4.

“Ang malawakang deployment ng ating mga kapulisan ay bahagi ng ating mandato na tiyakin ang ligtas, malaya, at mapanagutang eleksyon,” ani Fajardo.

Dagdag pa ni Fajardo, hindi lamang seguridad ang kanilang binabantayan, kundi maging ang pagbibigay proteksyon sa karapatan ng bawat botante.

Sa lalawigan ng Bulacan pa lamang, tinatayang 2,300 pulis ang nakatalaga sa mga presinto—2,062 mula sa Bulacan PNP at 238 mula sa Regional Mobile Force Battalion 3.

Hinikayat din ng PRO3 ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa panahon ng eleksyon. (Dick Mirasol III)