MANILA, Philippines – Natagpuan ang bangkay ng isang 13-anyos na batang babae sa loob ng tubuhan sa Barangay Poblacion West, Candoni, Negros Occidental nitong Lunes, Abril 27, ayon sa pulisya.
Ayon kay Police Capt. Leonel Adolacion, hepe ng Candoni Police, ipinag-utos ng ina ng biktima noong Linggo, Abril 26, na bumili ng yelo sa isang sari-sari store sa Barangay Haba, Candoni, ngunit hindi na ito nakauwi.
Una umanong inakala ng pamilya na kasama lamang ng kanyang mga kaibigan ang bata, ngunit kalaunan ay iniulat itong nawawala matapos hindi makabalik sa bahay. Natagpuan ang kanyang bangkay ng isang 15-anyos na menor de edad at mga kasama sa isang tubuhan.
Ayon kay Adolacion, may sugat sa noo ang biktima na dulot ng hindi pa natutukoy na bagay. Sinabi ng pulisya na may mga persons of interest na sila at patuloy ang imbestigasyon.
Isinasailalim sa pagsusuri ng Provincial Forensic Unit ang bangkay ng biktima.
Ayon sa pulisya, buo ang suot ng bata nang ito ay matagpuan. Tinitingnan din ng mga awtoridad ang mga CCTV footage upang matukoy ang huling taong kasama ng biktima. Mary Anne Sapico