MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 13-anyos na batang lalaki sa isang hit-and-run incident sa kahabaan ng EDSA busway portion ng Balintawak, Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.
Nabundol ang biktima ng bus malapit sa Dario Bridge bago maghatinggabi.
Napag-alaman na tumawid sa northbound lane ng EDSA ang biktima at ang kanyang dalawang kaibigan at pumasok sa loob ng busway.
“Kukuha po sana kami ng kahoy panggatong. Hindi pa kami nakakakuha bigla na lang siyang naano ng bus sabay huminto yung bus tumingin lang yung konduktor. Sabay hinabol ko yung bus… hindi ko na siya nahabol,” ayon sa kaibigan ng biktima.
“May mga anak naman sila, may mga apo naman sila, bat tinakbuhan nila. Kahit dinampot man lang nila sana yung bata sana, lumitaw naman po magpakita naman po siya,” ayon naman sa nagluluksang lola ng biktima.
Patuloy na iniimbestigahan ng Quezon City Police District-Traffic Sector 6 ang insidente. Nasa proseso sila ng pangangalap ng CCTV footage sa lugar. RNT